Ang Wikang Ingles sa Pilipinas
Sa isang banda, dapat pa rin nating pahalagahan ang ating sariling mga lengwahe, at hindi lang ang Filipino (o Tagalog sa iba). Nariyan na ang ating lokal o pangrehiyon na lengwahe tulad ng Ilocano, Cebuano, Hiligaynon, o Kapampangan, na nagbabadyang mabaon sa limot ng mga susunod na henerasyon 'pag naglaon.
Para sa akin, hinde dapat maging opisyal na moda ng istruksyon ang Ingles sa mga estudyante, bagkus, dapat nga silang kausapin sa kanilang mga "mother tongue". Kung gagawin 'to ng gobyerno, para lang maipagbayo ang kakayahan ng Pilipinong magsalita ng Ingles, at nang sa gayon ay makapangibang bansa rin naman bandang huli, huwag na lang 'di ba? Puno ng potensyal ang ating bansa, pwede rin naman tayong maging mayaman ng hinde lang "pag-aabroad" ang iniisip.
Gayunpaman, hinde ko naman sinasabi na ayokong mangibang bansa. Sa kasalukuyang sistemang politikal at ekonomiya ng bansa, medyo nakabababa talaga ang mga trabaho dito sa atin, kumpara sa mga "high-paying" na trabaho sa ibang bansa. Ngunit, hinde solusyon ang pag-impose ng Ingles sa pagtuturo ng mga bata.
Kung babasahin n'yo 'yung naka-link sa pamagat ng post na ito, mapapansin na nag-iba na ang daloy ng usapan pagdating sa mga komento. Maraming nagsasabing gusto rin nilang maibalik ang Espanyol, bilang isa sa mga opisyal na wika ng bansa. Nasira tuloy ang pinupunto ng mismong artikulo. Mukhang kailangang pag-usapan yang kumplikadong bagay na iyan sa iba pang "entry" ng blog ko.
Mas mabuting ipagpatuloy na lang ang pagtuturo sa tradisyunal na pamamaraan. Kapag purong Ingles ang ginawang "mode of instruction" sa mga eskwela, makakalimutan na ng mga nakababatang henerasyon ang kanilang sariling Wika, kasama na rin ng lokal na lengwahe nila (gaya ng Cebuano, Bicolano, etc.)
Wikang Filipino para sa mga asignaturang malapit sa ating bansa, tulad ng Sosyologo, Kultura, Heograpiya, Sining Pangkomunikasyon, atbp. At wikang Ingles naman para sa Agham, Matematika, at ibang mga panteknikal na asignatura, na hinde naman pwedeng isalin sa ating sariling lengwahe. Gayundin, mangyaring bigyan ding pagkakataon ang mga haiskul na matuto ng Espanyol upang mas lalong matutunan ang ating Kasaysayan. dapat din, na ang mga lengwaheng panrehiyon o lokal, ay patuloy pa ring ipalaganap sa mga pamamahay, at kung kakayanin ay gamiten sa mababang paaralan, dahil ito ay mga natitirang salamin ng ating mga ninuno.


